-
Hindi nakagown dahil humabol lang mula sa malayong lugar. :)
-
Nanay
Nadatnan mo akong nag-aayos ng mga gamit sa aking kwarto, dinungaw mo ako, iniisip kong iisipin mo na hindi pa natatapos ang magdamag ay aalis na naman ako
Hindi ka na nasanay, hindi na rin ako nasanay.
Hindi ko na nasubaybayan ang paglaki ni bunso, ang kanyang mga hilig ay di ko kabisado
Ang pagtatapos sa kolehiyo ni emon ay di ko man lang nadaluhan. Nakita ko na lamang sa mga larawan
Si ate na nakagalit ko ay hindi ko pa kinikibo. Di ko alam kung paano sisimulan
Tulad ka pa rin ng dati, mahilig mag-obserba.
Ngunit hindi ang paglaki ko ang inoobserbahan mo, hindi ang pagdebelop ng aking katawan o di kaya’y mga natutunan sa eskwelahan.
Hindi rin naman ang sikretong tinatago naming magkakapatid o ni tatay.
Nananantiya ka pa rin sa umpisa. Bagay na sa’ yo ko nakuha. Nagagamit ko ito sa pagkausap ng maraming tao. Nagpapasalamat ako sa’ yo.
Ngunit
Ang pagtantiya mo sa akin ay di na tulad ng dati, marahil dahil sa mga patlang na nawala sa ating dalawa. Patlang na pinuno ng iba.
Minsan tinanong mo ako kung ano na ang balak ko sa buhay, sumagot ako ng ewan ko. Bahagya kang nanlumo. Paumanhin kung hindi na ang dating sagot ang nasambit ko, nabaon na kasi sa limot.
Paumanhin kung hindi ko pa kayang ikwento ng buo ang patlang na nawala sa atin, hindi ko pa alam kung paano.
-
LTTE ng UP Alyansa. Old Skul na usapin.
Ayan na naman ang UP Alyansa. Nag-iingay na naman ng walang kapararakan. Walang laman ang mga sinasabi. Imbes na magsilbi sa mga estudyante, mas inuuna pa ang sariling kapakanan. Tsk tsk. Lumang estilo na yan, first year pa lang ako sa UP iyan na ang isyu niyo, iyan na ang ‘pinangbablack prop’ niyo sa mga estudyanteng lumalaban para sa tunay karapatan at kagalingan ng estudyante’t mamamayan. Wala sa loob ng silid-aralan ang laban, nasa labas!
-
Samu’t sari
Una sa lahat, ang lahat ng ito ay ayun sa aking karanasan. Hinugot mula sa sariling repleksyon na binunsod ng mga pagbabago ng aking kapaligiran. Samu’t saring bagay na patuloy kong dinadigest hanggang sa ngayon.
Mula nang malipat ako ng grupo, marami akong naisip na mga bagay. Kumatok at tunay na nagpakilala ang mga konsepto/ideya na akala ko’y matagal ko ng kilala. Masasabi ko na may katotohanan ang lahat ng nalalaman ko dati, ngunit iba yun sa antas ng katotohan na alam ko ngayon.
Wala pa man ako sa hanay ng masang anakpawis, natutuwa ako na nabukas ako sa ganitong pag-iisip. Pagiging humble sa mga bagay na di ko alam o di ko pala lubos na nauunawaan. Madalas akong manahimik. Mas ninanais kong mag-obserba sa paraan ng pag-iisip at pag-uugali ng mga bagong kaibigan. Ang isa pang dahilan ay ang pag-aanalisa ng pamamaraan ko ng pag-iisip dati sa bagong pumapasok na pamamaraan sa ngayon. Kahit saang panig pa ako ng HQ o ng bahay namin (minsan lang naman yun) o ng bahay nila S maupo at mabigyan ng pagkakataong manahimik ay naiisip ko na; ang galing talaga ng pagsusuri sa uri. Ang galing ng organisasyon sa pagtangan niya ng kanyang linya sa lahat ng antas. Kaiba talaga ang mga peti burges sa uring anakpawis. Napakalaki ng pagkakaiba. Kahit pa sabihing nagpapanibagong hubog ang mga petibugoy, ngunit kung hindi ito maisasanib sa hanay ng nasasantabi ay wala rin. Mananatili ang mga tendensiya, kahit pa gaano kakabisado ang mga teorya, gaano kabilis magisip, balewala ang lahat. Dahil hindi maappreciate ng higit ang katanungang para kanino; para kanino ba talaga? Ang mga cliche na tinataguri ay hindi naman talaga cliche, iyon ay katotohanan. Ang pagunawa sa kahirapan at pagsasamantala ay hindi naman talaga pagunawa, nasa pagunawa lamang ito sa antas pang-akademya. Dahil iba ang pagunawa na kasama ang praktika. PRAKTIKA. Ito ang magtuturo magpapabuo ng buong katotohanan. (Hindi ko alam kung nagsa-sound preachy ako, ito talaga ang nararamdaman ko. Tulad nga ng nasabi sa umpisa ng blog na ito)
Isa pa sa nalaman ko kailan lang (at napatunayan kong malayo talaga ang akademya sa masang anakpawis) ay hinggil sa tula/pagtula. Ang departamento ko sa kolehiyo ay masasabing pugad ng mga progresibo. Mataas ang pagtingin nila sa mga progresibo at radikal na teorya. Madalas ay ginagamit pa nga nila ito sa larangan ng pagsusulat. Tuwang-tuwa ako sa departemento dahil sa ganoon niyang ‘oryentasyon’. Kahit minsan nauunawaan ko na sinasakyan lamang nila ang ganoong mga teoya upang iappropriate ang kanilang sarili bilang kritikal. sinasabi ko na; Okay na rin ang ganoon dahil kahit papaano at makakatulong sa antas ng propaganda.
Nitong nakaraan, napansin ko na ang mga tula na kumpleto sa rekado. Ang pormulasyon na itinuro ng progresibong departamento ay hindi pala papasa sa panlasa ng mga sinantabi. Hindi nila pag-aaksyahang isipin ang buong imahe na tinatahi ng mga metapora at kataga. Dahil ang mas iisipin nila ay kung paano makakaalis sa kinalalagyan nila. Dahil ang mas iintindihin nila ay mga salitang bubuhay sa kanilang diwang mapanlaban. Di kailangang ikubli ang mensahe sa tinatawag na estilo. Dahil ang magtatakda ng estilo ay ang nilalaman.
*pasintabi sa iba. Isa itong pagtatangka sa pagsasanay sa sarili sa pagsusulat. Mula sa dating pinaniniwalaan na kinakailangan ko munang ihanda ang sarili sa pagsusulat at kailangang tapusin ang kurso bago makapagsulat hanggang sa paniniwalang ang kahandaan ay nasa kapasyahang magsulat.
*ang mga nasulat ay aking naranasan at naramdaman. pawang katotohanan.
-
Ang Pagtitipon (LRP40: Omnibus Film Teaser)
Ang mga pelikula ng pakikibaka.
Abangan sa darating na Nobyembre 30, 2010. Film Institue, UP Diliman.
-
Tingin ko mas dadami ang ganitong graffiti ngayong buwan :)
-
Totoo, hindi.
Lahat tayo may nais patunguhan. At may daan patungo dun. May tuwid na daan (parang Noynoy lang a), may paliko-liko, may pabalik-balik at kung minsan walang daan. Ang iba-ibang aspeto ng buhay natin ay may patutunguhan. Maaaring matagumpay ang isang aspeto at ang isa nama’y masalimuot, maaaring kapwa matagumpay.
Kinaharap ko kelan lang (kahapon lang, bagong bagong) ang aking gustong patunguhan. Wala na akong magawa, nais na nito akong komprontahin kahit pa anong iwas ko, kahit pa anong tago ko. Dati-rati ang pagharap dito ay pagsentro ng usapin sa grupong makakatulong upang isaayos ito, hindi ko alam kung bakit di nagagawa. Kahit pa sinsero akong ayusin ang bagay na iyon; ayusin, magsimula muli at magpatuloy hanggang nabubuhay. Ngunit matapos ang pagtatangka ay inabutan rin ako ng pagsuko. Ganun pala iyon, kapag paulit-ulit sa pagtutulak ng isang bagay at hindi nagbabago ang pwersang nagtutulak dito ang siyang magbabago. Tama pa rin ang diyalektika.
Nang abutan ako ng pagsuko, inantay ko na ring dumating ang pagkasawa. Sa bahagi ko at sa bahagi niya. Nagkamali ako, dahil patuloy ang talaban sa isa’t isa hindi darating ang pagkasawa. Bagkus ang dumating ay ang pag-ibig. Muling pag-ibig, mas pinalakas ang datihang naimbak sa mga katawan dulot ng tagal ng pagsasama. Kung sa binabasa kong nobela, dumating ang peak ng kwento. Kung sa musika, dumating ang chorus at tuluyan nang nagliwanag ang lahat.
Para sayo, pasensya na at nagdidili dali ako sa mga bagay o hindi naghuhunus dili (ano bang ibig sabihin ng dili?) marami akong natutunan sa ating dalawa at marami pang matutunan. Sana samahan mo pa rin ako sa mga susunod. Isa lang naman ang napatunayan kong katotohanan matapos ang lahat:
Di ko kayang mawala ka.
-
tumblrbot asked: WHAT IS YOUR FAVORITE INANIMATE OBJECT?
land
-
Maraming masarap gawin
Kung pahihintulutan, maaari bang pahintuin na muna ang daigdig. Kung mangyari iyon, ito ang mga gagawin ko:
1. Magbabasa ng mga nobelang nakapila sa akin. Nakuha ko na ang kopya ng mga nobela na nais kong basahin, ang iba nama’y alam ko na kung saan matatagpuan para hiramin o bilhin (kapag may pera)
2. Babasahin ko ang iba pang librong di ko pa natatapos o nababasa: Necessary Fiction, Pook at Paninindigan: Kritika ng Pantayong Pananaw, Pag-aklas/Pagbaklas/Pagbagtas: Politikal na Kritisismong Pampanitikan, Poetika/Politika: Tinipong mga Tula, Tabi-tabi sa Pagsasantabi. Kasama ang Rebolusyon: tanaw mula sa loob, Ang Dakilang Debate atbp.
3. Magsasalin ng mga tula.
4. Gagawa ng mga kwento (tsismis)
5. Magbabasa ng tula sa harap niya
6. Manunuod ng maraming pelikula. (Mas maraming Indie Film)
7. Mag-aaral magphotoshop. Magd0drawing.
8. Kakanta
9. I-stalk ang mga tao sa FB o kaya sa personal (yayks. stalker)
10. Kakain ng maraming kanin with butterchicken, pwede ring inasal with itlog na pula, o kaya inihaw na isda. Pwede ring pizza sa Friuli at pesto. At isang sarsi.
Pagkatapos ng lahat ng iyan. Tulog ng dalawang araw, walang gisingan, walang bangunan.

